Ako si Totoy

11:21 PM


“ANO NA? SABIHIN MO NA!” galit na galit na sumisigaw ang ama-amahan ko sa’kin.
“Hindi ko ho alam kung anong tinutukoy niyo,” ang takot kong sagot sa kanya habang ang dalawang lalaki sa magkabila kong tagiliran ay hawak-hawak ako ng mahigpit sa braso.
“ABA, MAGSISINUNGALING KA PA?” sabay senyas sa isa niyang tauhan. Sinimulan akong suntukin, sipa-sipain. Halos maisuka ko ang hapunan kong kanin at galunggong.
“Hindi!” –maubo-ubo akong nagsasalita sa pagitan ng mga pananakit. “Wala ho akong maintindihan.”
“STUPIDO!” at nakatanggap ang kaliwang pisngi ko ng isang nakabibinging sampal.

Napulot lang ako sa damuhan.
Pitong taon ako noon nang maratay sa banig ng karamdaman ang nakalakihan kong ina. Sa batang edad, namulat na ako sa gutom at hirap ng buhay. Pakiramdam ko’y kilala ko na ang mundo ko.
“Toy,” ang mahinang tawag sakin ni nanay isang gabi. “Toy, alam mo naming ampon lang kita di’ba?” Tumango ako bilang pagtugon. “Ang totoo niyan ay napulot lang kita doon sa may talahiban sa bakanteng lote.” Naiiyak na ko sa kalagayan ni nanay. “Pero kahit ganoon, huwag mo sanang iiwan ang asawa ko pag nawala ako. Ha? ‘Toy.” Wala na kong nagawa non kundi ang umiyak sa tabi ng higaan ni nanay.

“Pinalaki kita, pina-kain, pinag-aral. Tapos ito igaganti mo sakin? Ha!” Habang nakasabunot ang kaliwang kamay ni Tatay sa buhok ko upang itingala ang bugbog ko nang mukha. Malabo na ang paningin ko at wala na sa tamang ulirat. “Dumaan lang ho ako sa bilyaran.”
“OO NGA, OO NGA!” Sabay laglag ng ulo ko sa aking dibdib nang binitawan niya ng pabagsak ang buhok ko. “Sinong kinausap mo don?! Anong nangyari?” Iritang-irita na siya.
Tumingin ako sa paligid at nakita ang lalaking kaninang bumubugbog sakin na nakaupo sa tabi ng lamesa. Nauuhaw na ako. Tiningnan ko ang lamesa at nakita ang nag-iisang lampara na siyang nagbibigay liwanag sa maliit na lugar na ito. Habang ang mga kulisap ay patuloy ang pag-ikot sa nagbibigay liwanag na iyon.

Laruan ko ang damuhan. Tuwing uwian galing sa klase, ang deretso naming magkakaklase ay sa malawak na damuhan malapit sa bahay. Doon, magpapalipad kami ng mga sariling-gawang saranggola. Pakiramdam ko, ako ang lumilipad habang ang saranggola ay nasa himpapawid.
“Pataasan ng lipad!”
“Oo ba!”
 “Woah! Ang lakas ng hangin!
 “Ahhh.. Ang sarap lumipad!”
Makakauwi sana na masaya kung hindi dadatnan si Tatay na sa bahay na nakikipag-inuman. Uutusan ako, tatawanan at pag lasing na, mabubugbog. Wala akong magawa noon, isa akong bata.

Pinilit akong itayo ulit pagkatapos mahampas ang mga tuhod ko. Hindi ko na maramdaman ang mga binti ko. Nagsindi ng ikatlong sigarilyo si Tatay. Pagka-ihip at pagka-buga, umupo sya sa upuan na nasa tapat ko. “Alam mo kung pano ako magtiwala ‘Toy. Ibinigay ko sa’yo ang supot dahil pinagkatiwalaan kita.. KANINO MO BINIGAY? May diin ang huli niyang pangungusap. Inaalala ko ang pangyayari nang gabing iyon pero mas lumang larawan ng nakaraan ang pumapasok sa isip ko…
Nasaktan ako sa damuhan. Ikalawang taon ko sa highschool nung una kong makita si Anne sa silid-aklatan sa aming paaralan. Sa silid-aklatan ako lagi nakatambay; hindi dahil sa mahilig ako magbasa kundi dahil mahilig ako matulog. Second year din sya at matalino samantalang ako, last section. Kaya talaga namang nahihiya ako sa kanya. Utak-manok ako pero napatunayan kong hindi naman nang maka-isip ng paraan para mapalapit kay Anne. Nagbasa ako ng mga libro sa panitikan para gumaya ng mga linya tungkol sa pag-ibig. Inaabot ko sa kanya ang mga sulat tuwing hapon. Di sya sumagot kahit isang bes pero patuloy pa din ako. Hanggan sa isang araw, nakatanggap ako ng sulat.
Magkita daw kami sa damuhan sa likod ng silid-aklatan. Ako na yata ang pinaka-masaya noon habang nag-aantay sa kanya. Ngunit bigla iyong napawi nung kinausap na niya ko.
“Tigilan mo yung kalokohan na ginagawa mo. Hindi kita gusto at walang kwenta sakin tong mga sulat na to. Mabuti pa kung pag-aaral na lang ang atupagin mo.” At itinapon niya sa damuhan ang mga sulat. Nasaktan ko. Naiyak nalang ako sa sobrang sakit.

“Sasabihin ko na! Sasabihin ko na! Tama na, ayoko na!” Natigil ang mga masasakit na sipa at hampas. “Siguraduhin mo lang na totoo yang sasabihin mo.”
“Oho, totoo ho. Sasabihin ko na.”
“Dala-dala ko yung supot nun sa bilyaran. Nakita ako ni Mang Erni at kinausap. Iniabot ko ho sa kanya ang supot. Di’ba ayaw niyo nang makita yon? Hindi niyo na yun makikita kahit kailan! Wala na, wala na!” Nasa hinuha kong magagalit siya.
“ANAK NG TOKWA! WALA KA TALAGANG KWENTA!” Sabay batok, sampal at kung anu-anong pananakit dala ng sobrang galit.
“BUGBUGIN NIYO YANG STUPIDONG YAN HANGGANG MAGSAWA KAYO! At talagang ipinahamak mo pala talaga ako! Wala kang utang na loob! Mabuti pang mamatay ka na!

Buong buhay ko rin yata ay isang malawak na damuhan. At si Tatay, ang malignong kinatatakutan ko na humahabol sa akin sa malawak na damuhan na ‘to. Tumatakbo, paikot-ikot, makatakas lang sa maligno na hindi lang takot ang dinala sa buhay ko.
Pulis si Tatay pero kahit kailan hindi ko sya hinangaan.
Pinagmamalaki niyang isa daw siyang bayani. Bayani marahil ng mga kriminal.
Tagapanatili daw ng kapayapaan. Baka pasimuno ng kaguluhan.
Wala na kong magawa kundi ang sundin ang konsensya ko ng gabing yon.
Inutusan ako ni Tatay noon na ilayo ang natitirang mga droga na nakatago pa sa bahay. Pinaghihinalaan na daw sya sa kanilang departamento. May nagsumbong. Natatakot sa biglaang pag-inspeksyon ng mga nakatataas sa kagawaran nila.
Galit ako kay Tatay. Hindi, hindi sa kanya. Galit ako sa mga masasamang ginagawa niya.
Ang pananakit kay Nanay na naging dahilan ng pagkakasakit nito, ang pagkunsinti sa mga kriminal,  ang pagkurakot, ang droga.
Bayani sa harap ng ibang tao ngunit isa palang maligno. Isang demonyo ang tunay na anyo.
Iniabot ko ang supot kay Mang Erni. At wala na akong paki-alam sa kung ano pang maaring magawa sa akin ng maligno. Tiwala akong matitigil na ang maligno sa pagkalat ng mga lihim na lagim. Isang mabuting pulis si Mang Erni. Hindi na talaga makikita ni Tatay ang supot.

Napulot ako sa damuhan, mamamatay na rin siguro sa damuhan.
Matataas na talahib ang nakita ko habang hila-hila ako kanina ng isang lalaki.
Hindi ko na maramdaman ang buong katawan ko.
Pagod na ako – tulad ng sinabi ni Nanay bago siya mamatay.
Ilang sandali nalang, alam kong wala na ko. Napagtanto ko na.. mas mahirap ang mabuhay,
wala sa masama ang huling halakhak,
ang masaktan ay maaaring minsan lang.. hihilom din ang sugat,
bagaman masarap lumipad tulad ng saranggola, nakatali pa din ito, hindi makakalipad mag-isa,
at hindi ko pa kilala ang mundo ko. Sayang lang at maaga kong lilisanin ito..


Lahok para sa Bagsik ng Panitik ng Damuhan.com

You Might Also Like

17 comments

  1. nalungkot naman ako dito. ang ganda. super. yung construction yung sequencing ng thoughts yung ginamit na mga salita. bongga talaga. =D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thank you Superjaid! :) Feeling ko nga magulo eh. Haha.

      Delete
  2. salamat po sa paglahok :)

    ReplyDelete
  3. Ang lungkot ng ending. Para kang nandon sa mismong damuhan/talahiban at kausap si Totoy sa huling sandali ng kaniyang buhay.

    Sayang ang buhay ni Totoy.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tama po, sayang. Nadala ako masyado ng mga makalumang movies. HAHA.

      Delete
  4. Napakahusay. :)

    http://iifatree.blogspot.com/

    ReplyDelete
  5. nosebleed naman ako sa Tagalog mung yan.. haha

    Ok, in ur question ms Jana: I live in Dumaguete City gurl!. here in Negros.. an island in Visayas region.. I know ur familiar with it!.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha. Tissue? :))
      Malayo ka pala, I thought you're just here around Cavite.

      Delete
  6. congrats....hope you'll win


    followed you in here....

    ReplyDelete
  7. nalungkot naman ako, pero ang ganda ng pagkakagawa.. goddluck! =)

    ReplyDelete
  8. Nagbasa. Humusga. Good luck sa entry.

    ReplyDelete
  9. hello! available na po yung badge para sa Top 10 finalist ng bagsik ng panitik http://www.damuhan.com/2012/05/sa-ngalan-ng-panitikan-bagsik-ng.html

    ReplyDelete

Let me hear your thoughts!