Showing posts with label short story. Show all posts
Showing posts with label short story. Show all posts

Nov 10, 2016

Totoo Ba?

Madilim at napakababa ng tingin ko sa langit. Mukhang malakas na bagyo ang parating dahil malakas ang kulog at halos tumama ang maliliwanag na guhit ng kidlat sa bubong ng mga bahay.

Nagtatakbuhan at halos magsigawan ang mga tao sa paligid ko. Alam kong kailangan ko na ring lumikas pero hindi ako agad makakilos. Tiningnan ko ang mga paa ko at ipinilit tong ihakbang pero hindi ko magawa. Sinubukan ko ulit at nagawa kong kumilos kahit papaano. Pero bakit parang nakaluhod akong humahakbang? Nagiging mas madilim pa ang mga ulap at nagsisimula nang umambon.

Kailangan kong makaalis, kailangan kong tumakbo!

“Aa-aaaaahhh!!”

“Daris. Daris, ok ka lang ba?” Nakita ko si nanay sa tabi ko. Panaginip lang pala.

“Ang init mo, anak,” sabi ni nanay habang nakalapat ang palad niya sa noo ko. “Nilalagnat ka. Teka ha, tawagin ko lang ang nars.”

Hinawakan ko ang mukha ko. Pawis na pawis ako pero malamig ang pakiramdam ko. Napansin ko rin na may swero sa kaliwang kong kamay. Ano nga bang nangyari sa’kin?

Dumating na si nanay kasama ang isang babae. May hawak siyang thermometer at inipit niya iyon sa kili-kili ko. “39°C po. May lagnat po kayo sir. Painumin ko nalang po kayo ng Paracetamol,” sabay inabot ng nars kay nanay ang isang tableTay gamot.

“Babalik nalang po ako ulit mamaya.”

“Sige, salamat ha,” ngumiti ang nars kay nanay at lumabas ng kwarto. Ininom ko na rin agad ang gamot at ngayon ko lang din napansing mabuti kung na saan ako. “Kaya ka siguro nanaginip ng masama dahil sa lagnat mo. Ayos na ba pakiramdam mo?” Tanong sakin ni nanay habang pinupunasan ako ng basang pamunas.

“Medyo okay na po. Anong oras na po ba?” Tumingin ako sa paligid at naghanap ng orasan. Nakita ko sa harap ko ang tatlo pang kama na tulad sa akin. May taong nakahiga doon sa kaliwang kama malapit sa bintana. Matanda na siya at mukhang mahina na ang kalagayan dahil sa payat na braso at mukha niya. May nakahiga rin sa gitnang kama, pero mukhang siya ang kasama ng matanda sa tabi niya.

Sa kaliwa ko naman na katabi lang ng aking kama ay may lalaki rin na nakahiga na sa tingin ko ay nasa mahigit trenta ang edad. At mukhang asawa niya ang natutulog sa tabi niya. Bakante ang katabi kong kama sa kanan malapit sa pintuan. May orasan sa itaas ng pinto pero hindi na iyon gumagana.

“Alas dos y media pa lang kaya matulog ka na ulit. Mamaya na tayo mag-usap at medyo inaantok pa rin ako.” Sagot ni nanay sakin habang pumupwesto na siya ng higa sa bakanteng kama na katabi namin. Inalis ko ang nakapatong na kumot sa katawan ko at nakita ko ang kanang binti ko na naka-semento, mula sa tuhod hanggang sa paa.

Nagbibisikleta lang ako tuwing papasok sa eskwelahan. Ehersisyo ko na iyon at para na rin makatipid. Sa loob ng apat na taon ko sa kolehiyo, sa huling taon pa ako naaksidente. Hindi mo nga talaga alam kung anong pwedeng mangyari sa’yo.

Sa totoo lang, walang nakabanggang sasakyan sa akin. Iyon ang pagkaka-alam ko dahil wala masyadong sasakyan ng hapon na iyon habang pauwi ako. Mabilis ang takbo ng mga sasakyan kapag ganoon ang kalagayan ng kalsada. Nagulat na lang ako nang biglang isang gulong ang malakas na bumunggo sa akin. Gulong lang talaga, wala ang mismong sasakyan. Mabilis ang pangyayari dahil mabilis ang takbo ng mga sasakyan, mabilis din ang paandar ko. Hindi ko na alam ang nangyari pagkatapos kong makita ang sarili ko na duguan. Malaki ang takot ko sa dugo kaya bigla nalang nandilim ang paningin ko at nawalan ng malay. At heto nga, nagising na lang ako na nasa ospital, sementado ang kanang binti, may mga gasgas sa braso, at masakit ang katawan.

Nawala bigla ang antok ko nang maalala ko ang dami ng requirements na tatambak sa’kin paglabas ko ng ospital. Isang semester nalang at makakagradweyt na ako, ‘wag naman sana maudlot pa. Malapit nang matapos ang 1st semester at ilang linggo nalang, final examinations na. Tapos heto ako, ilang araw pang hindi makakapasok dahil sa sementadong binti. Idagdag pa ang bayarin sa ospital. Sakit sa ulo, paano kaya ito?

Mas lalo akong nagising nang biglang, “Nars! Nars! Tulong!! Doktor! Kailangan namin ng doktor!!”

Natatarantang sigaw ng babae bantay sa pasyenteng katabi ko. Tumakbo ito palabas at binaling ko ang tingin ko sa pasyente. Naninigas ang buong katawan niya, maputlang-maputla ang kulay at tumitirik na ang mata. Isang grupo ng nars at doktor ang pumasok sa kwarto dala-dala ang kung anu-anong mga aparato. Nakita ko nalang na pinapasakan ng tubo sa bibig ang lalaki at pagkatapos noon ay hindi ko na makita pa kung ano pang ginawa sa kanya dahil natakpan na siya ng mga manggagamot.

“Diyos ko po, wag naman sana.” Mahinang sambit ni nanay, na nakatayo na sa aking tabi, habang ang mga kamay niya ay nakatiklop at akmang nananalangin.

Halos mag-iisang oras din nilang nire-revive ang lalaki. Namalayan ko nalang na payapa na ang paligid nang makaramdam na ako ng antok at unti-unti na ring nag-aalisan ang mga nars. Narinig ko na kinausap ng doktor ang bantay ng pasyente at sinabi dito na, “Nay, babantayan nalang po natin siya mabuti, kritikal na po talaga pag nasa gantong kalagayan na.” Pumikit ako at dahan-dahang na ring nakatulog habang umaalingaw-ngaw ang mahinang hikbi sa kwarto.

Nagising ako sa pamilyar na kanta na naririnig ko.

Paano mo malalaman itong pag-ibig ko sayo,
Paano mo maramdaman ang tibok ng puso ko..

Liwanag ng araw ang sumisilip na sa mga bintana. Nakita ko na nakaupo na sa kama niya ang pasyente na nag-aagaw buhay lang kaninang madaling-araw. Masaya pa nitong sinasabayan ang kantang tumutugtog galing sa cellphone, nakaharap siya sa bintana. Sarado ang mga iyon at may kurtinang nakaharang. Pero nakahawi ng kaunti ang kurtina kaya mas maliwanag ang pasok ng araw sa tapat niya.

“Gising ka na pala. Andito na almusal mo, kumain ka na.” Sabi sa’kin ni nanay na nakaupo sa upuan katabi ko. “Kinabahan ako sa nangyari kagabi. Buti nakatulog ka ulit.”

“Oo nga po, eh. Kumain na po ba kayo?”

“Kumain na. Dumaan ang tatay mo kanina dito bago pumasada, nagdala ng pandesal.”

“Ahh. Kumusta po pala, anong nangyari kahapon? Nakausap niyo po ba yung naka-aksidente?”

“Nagkaproblema raw yung dyip kaya biglang tumalsik ang gulong. Tapos kakilala pala ng tatay mo yung drayber. Pamamasada lang din ang kinabubuhay ng pamilya kaya naki-usap na kahit kalahati na lang ng gastos natin ang bayaran nila.”

“Kaya po ba natin? Mukhang malaki-laki ang gastos eh.”

“Kakayanin naman. Ang sabi pala ng doktor sa akin, nilagyan iyan ng bakal sa loob,” Iniabot sa’kin ni nanay ang x-ray. “Nabali kasi ang buto mo tapos tumagos hanggang sa balat kaya pagpapantayin para magdikit at mabuo ulit.”

Napalunok ako sa narinig ko at sa nakita kong x-ray. “Medyo matindi po pala ang nangyari.”

“Oo nga anak, eh. Medyo matatagalan din daw ang paggaling nyan. Wala rin namang may gustong mangyari nito. Kahit mismo iyong nakaaksidente, naperwisyo rin.”

Hindi ko na alam ang sasabihin kay nanay. Naiinis ako sa mga nangyayari sa amin.

“Oh siya anak, alis muna ako ha. Kukuha ako ng gamit natin. Sa labas pati ako bibili ng gamot at mahal dito sa loob. Babalik ako mamaya.”

“Sige po, Nay. Ingat po.”

Napa-buntong hininga na lang ako paglabas ni nanay. Wala naman kasi ako pwedeng ibang ilabas kundi buntong-hininga. Hindi ako mapakali, parang gusto kong magsisigaw dahil sa sama ng loob sa mundo.

“Wag ka ng mangangamba... Pag-ibig ko’y ikaw, wala ng ibaaaaa!” Nagulat ako mula sa mga iniisip ko nang biglang kumanta ng malakas ang katabi kong pasyente. Napatingin ako sa kaniya.

“Ay, sorry ha. Nadala kasi ako sa kanta.” Matawa-tawang sabi niya sa’kin.

Tumayo siya sa pagkakaupo niya, habang hila-hila ang pinagkakabitan ng swero at nilapitan ang matandang lalaki sa tapat namin.

“’Tay Gil, kumusta na ba?”

Gising na rin pala ang isa pang pasyente.

“Ikaw nga dapat ang kinakamusta. Tinakot mo naman ako kagabi, eh. Huwag ka namang mambibigla ng ganoon.”



“Haha. Hindi ko ho pa oras kanina, Tay. Ok na ho ako ngayon. Kita niyo nga at nakakalakad na. May bago pala tayong kasama ngayon, oh. Hindi na tayo magsasawa sa isa’t-isa.”

Tumingin sa akin ang matanda sabay Tayo na may kasamang ngiti sa mukha. Umupo naman ang lalaki sa isang upuan malapit sa matanda. Ginantihan ko ng ngiti ang matanda. Halos dikit na ang balat nito sa buto sa sobrang kapayatan. Naaawa ako sa kalagayan na nakikita ko sa kanya kaya ibinaling ko ang tingin ko sa pagkain habang naririnig ang usapan nilang dalawa. Tulad ko ay wala rin silang mga kasamang bantay ngayon. Siguro ay nag-aasikaso rin sa kani-kanilang mga bahay.

“Sabi ko naman sa’yo Tay, makakalabas pa tayo dito sa ospital. Bibisitahin pa kita sa inyo tapos bibisita ka pa sa’min. Ipagyayabang niyo pa sa akin yung mga pangsabong niyo na manok. At kakain pa nga pala tayo sa Mang Inasal. Paramihan ng kanin ha.”

“Eric, sabi ko rin naman sa’yo, ayaw ko ng umasa pa sa ganyang mga bagay. Matagal ko ng tinanggap na hindi na ako magtatagal dito sa mundo. Malapit na pati matapos ang hatol ng doktor sa akin na walong buwan.”

“Hindi ba kayo naniniwala sa himala?”

“Eto na naman ba tayo sa himala na yan? Naku, kahit nga sa mga palabas sinasabi, ‘Walang himala!’ haha! Mahirap nga talaga maniwala.”

“Alam niyo ba noong bata pa ako, sa Mindanao kami nakatira. Noong araw na sasakay kami ng tatay ko ng barko pa-Maynila, nalate kami ng dating sa pier. Namatay kasi iyong kalabaw na dadalhin dapat namin. Kinabukasan, nabalitaan nalang namin na lumubog iyong barko na dapat sasakyan namin. Himala iyon, Tay! At noong bagong mag-asawa pa lang ako at may isang anak – “

“Oo, nakwento mo na yan. Noong saktong isang araw matapos kayong makalipat sa Cavite, eh lumindol mismo sa dating tinitirahan niyo. Nagkataon lang yon!”

“Eh paano naman iyong panahon na tinamaan ako ng kidlat? Aba, naabutan ako ng kapatid ko noon na wala na raw pulso pero pagdala niya sa akin sa bahay, nagising ako. “

“Akala mo lang kidlat yun. Hahaha! Walang nabubuhay matapos makidlatan, no.”

“Imposible, kaya nga ho naging himala! At ano naman ang masasabi niyo sa nangyari sa akin kaninang madaling-araw? Kwento sa’kin ng asawa ko akala niya raw ay mamamatay na talaga ako. Pero heto ako, nakikipagkwentuhan pa sa inyo. Totoo ang himala, Tay. Kailangan lang natin maniwala.”

“Hahaha. O sya sige, nang matapos na lang itong lagi nating pinagtatalunan.”

“Tatay Gil talaga. Basta ho ako, makalabas man o hindi dito sa ospital na ‘to, naniniwala akong may Diyos at totoong gumagawa Siya ng himala.”

Natapos ang usapan ng dalawa nang biglang may pumasok na lalaki sa kwarto, mukhang anak ni Tatay Gil dahil nagmano ito dito pagdating. Nagkamustahan ang mga ito at bumalik na si Eric sa kama niya. Maya-maya lang din ay dumating ang asawa ni Eric at dumating na rin si nanay.

Ilang linggo na rin sigurong magkasama ang dalawang pasyente na kasama ko kaya naging ganoon nalang ang naging pagkakaibigan nila. Totoo nga ba ang himala? Masasabing kayang himala nangyari sa akin?

Naging mabagal ang maghapon para sa akin dahil may mga oras na nababagot na ako dahil nakahiga lang naman ako. Sira ang telebisyon sa kwartong ito pero malakas naman ang pagsabay ng kanta ni Eric sa mga tugtugin niyang Pinoy. Maya’t-maya naman ang balik ng mga nars para mabigyan kami ng gamot at matingnan ang mga kalagayan namin. Nang dumating naman ang doktor upang ma-check-up ako, ang sabi nito sa akin ay medyo magtatagal pa ako sa ospital ng ilang mga araw pa. Pinaliwanag ng doktor sa akin kung anong nangyari buto ko at kakailanganin ang halos tatlong buwan na naka-semento ito upang tuluyang gumaling. Maaari naman na raw akong makapasok makalipas ang dalawang linggo, pero magiging mahirap lang dahil sa saklay. Isa pa ay hindi na ako makakatipid pa ng pamasahe sa pagpasok. Nanghina ako sa mga narinig ko mula sa kaniya.

Pagdating ng dapit-hapon, habang naglalaro ako sa aking cellphone, hindi ko namalayan na sinasabayan ko na rin pala ang naririnig kong tugtog,

Panalangin ko sa habang buhay
Makapiling ka, makasama ka
Yan ang panalangin ko

Nakatulog na si Eric dahil hindi ko na naririnig ang pagsabay nito sa kanta.

“Nars! Tulong!” Tiningnan ko si Tatay Gil, nangingisay ito. Sumisigaw ng tulong ang anak nito habang mabilis na tumakbo palabas. Napaka-bilis din nang naging tibok ng puso ko. Hindi pa halos nakakalipas ang isang buong araw at dalawang beses pa ako nakakita ng ganitong nakakatakot na pangyayari.

Mabilis din na kumilos ang mga nars at doktor. Nakita ko na ginamitan na si Tatay Gil ng kuryente para lang magising. Maka-tatlong beses din itong ginawa ng doktor sa kaniya. Dumating ang asawa niya at kitang-kita sa mukha niya ang takot at sobrang pag-aalala. Maka-lipas ang ilang minuto ay pumayapa na ang paligid.

“Dok, bakit naman po puso naman ang biglang nagka-problema sa asawa ko?” mahinang tanong ng asawa TaTay.

“Maraming pwedeng maging rason. Maaaring komplikasyon iyon ng pagkakaroon niya ng lung cancer o di kaya naman ay side effects ng mga gamot na iniimon niya,“ sagot ng doktor sa kaniya. “Sa ngayon ay i-momonitor namin siya ng mabuti. Naka-iskedyul na rin ng labas ng mga tests na ginawa sa kaniya bukas kaya hintayin nalang po natin ang mga iyon.”

Pagkalabas ng mga nars at doktor ng kwarto, ay siya namang lapit ni Eric kay Tatay Gil. Tama si Eric, himala lang talaga ang makakapagpalabas sa kanila sa ospital sa ganitong kalagayan nila parehas.

Tiningnan ni Eric ang matanda ng mabuti. Hinawakan nito ang kamay niya ng mahigpit at nang tingnan ko muli ang mukha ni Eric ay nakita kong nakapikit ang mga mata nito. Ilang minuto rin siyang nakatayo at nang matapos ay nilapitan nito ang asawa ni Tatay Gil at hinawakan ang balikat nito. Walang mga salita ang lumabas sa kanilang mga bibig pero damang-dama ko ang kalungkutan sa loob ng kwarto.

Akala ko ay babalik na si Eric sa pagkakahiga pero umupo ito sa kama niya na nakaharap sa akin.

“Anong pangalan mo, toy?”

“Daris po.”

“Daris, pag nasa ospital ka marami kang makikitang malulungkot na kalagayan ng tao at mga pangyayari. Talagang mapapatanong ka kung bakit. Sa totoo lang, mahirap talagang maintindihan. Bata ka pa at mas marami pang mangyayari sa buhay mo. Hindi naman sa tinatakot kita, dahil may hindi na rin inaasahang bagay ang nangyari lang sa’yo. Pero reyalidad talaga ang aksidente, sakuna, sakit, at kamatayan. At sa kabila ng mga iyon, huwag na huwag kang panghihinaan ng loob.”

Nakatingin siya sa mga mata ko habang sinasabi niya sa’kin ang mga bagay na ito. Tumango ako kay sa kanya bilang pagsang-ayon sa mga sinabi niya sa akin. At bilang hudyat na tapos na ang aming munting usapan, dumating ang kanyang asawa. “May dahilan ang lahat ng bagay,” pahabol na sambit niya sa akin bago siya humiga. Napansin ko na may ngiti sa mukha niya nang sinabi niya sa akin ang mga salitang iyon.

Payapa ang paligid pagdating ng kinagabihan. Ginagawa ng mga nars ang karaniwan nilang gawain, kinuwento ko na rin kay nanay ang tungkol sa aking panaginip, at sinabi naman nya sa’kin na handa daw tumulong ang mga tiyuhin at tiyahin ko sa amin. Hindi pa rin nagigising si Tatay Gil habang mahinang nagpapatugtog naman ulit si Eric ng paborito nitong Apo Hiking Society. Samantalang nakikinig ako sa musika ay unti-unti na rin akong napapikit at nakatulog.

Nagising ako sa nakakakasilaw na liwanag galing sa bintana. Hindi tulad kahapon, malaki ang bukas ng kurtina ngayon. Una kong nakita ang kama ni Tatay Gil. Gising na siya at tinutulungan siyang kumain ng kaniyang asawa. Paglingon ko kay Eric, nakita kong bakante na ang kama. Malinis na ang pwesto nila at napalitan na ang punda at kobre-kama.

Itatanong ko sana kung na saan si Eric pero may biglang pumasok na doctor.

“Good morning po Tatay Gil. Kumusta na po ang pakiramdam niyo?”

“Good morning, dok. Medyo maayos naman na ako.”

“Buti naman po kung ganun. May good news po pala ako sa inyo.”

“Ano po yun dok?” sabik na tanong ng asawa ni Tatay Gil.

“Yung nangyari sa inyo kagabi ay hindi dahil sa cancer kundi kumplikasyon iyon ng paggagamot natin sa cancer. Ngayon, nakakabigla at masasabing ko po na isa ‘tong himala. Wala na po kayong cancer, Tatay Gil.”

Hindi nakapagsalita ang matanda at tumingin nalang ito sa asawa niya.

“Totoo po ba yan, doc?” mangiyak-ngiyak na tanong ng asawa ni Tatay Gil.

“Oo, totoo yun. At mukhang kailangan ko na po bawiin ang hatol ko sa buhay niyo. Alam kong nakakagulat ang balitang ‘to at baka nagdududa pa po kayo kaya babalik po ako mamaya para maipaliwanag ng mabuti sa inyo. Tatapusin ko lang po muna ang pag-iikot ko sa pasyente ngayong umaga.”

Hinagkan ng mahigpit si Tatay Gil ng kanyang asawa. Kitang-kita ang magkahalong gulat at tuwa sa mga mukha nila. At kahit ako ay hindi ko mapigilan ang hindi ngumiti.

“Ah, dok. Na saan na pala si Eric?” Hindi rin pala alam ni Tatay Gil kung na saan si Eric.

Nagbago ang masayang mukha ng doktor. “Nakakalungkot sabihin Tatay, pero namaalam na po si Eric. Nagising ang asawa niya kaninang madaling-araw at napansin niyang hindi na ito humihinga.”

Nagulat ako sa narinig ko. Kahapon lang ay masiglang-masigla pa si Eric. Lumabas na rin ang doctor at naiwan kaming lahat na nagtataka sa biglaang nangyari.

Tiningnan ko si Tatay Gil. Nakatulala ito habang ang mga mata ay nakatuon sa bakanteng kama na katapat niya. Kahit hirap ay dahan-dahan itong tumayo at mabagal na lumakad palapit sa kama. Umupo siya sa kama ni Eric at habang nakatingin sa unan na parang bang may nakahiga pa rin doon ay narinig ko ang mahina nitong pag-iyak. Habang umiiyak ay dahan-dahang ding tumatango si Tatay Gil. Sa wakas ay natapos na ang matagal na nilang pinagtatalunan.

Totoo nga ang himala. Walang namang masama kung maniniwala.

Ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 2016.



Oct 15, 2013

Tres

“Palimos po, Ate, Kuya. Pambili ko lang po ng pagkain.”

Malayo pa lang ay napansin ko na ang batang lalaki sa baba ng overpass. Mga pito hanggang sampung taong gulang. Madungis at ga-tingting ang katawan sa kapayatan.

Sa tuwing pauwi ako sa amin, nakakasalubong ko ang batang ito. Walang reaksyon kalimitan ang mukha niya tuwing namamalimos. Parang normal na lang na gawain ang manghingi ng barya sa mga taong dumadaan. Isa lamang siya sa marami pang mga pulubi dito sa overpass.

Pauwi na ako ngayon sa bahay galing sa dorm. Ganito lagi ang natatanaw ko sa maingay at mausok na lansangan na ito – mga naghilerang tindahan sa gilid ng kalsada, trapik, mga taong pagal sa paghahanap ng lunas sa suliranin ng buhay. Medyo nagmamadali na ako dahil dapit-hapon na at ayaw kong gagabihin ng pag-uwi. Hindi na maintindihan ang takbo ng utak ng mga tao ngayon. Pagsasapit na kasi ang dilim, lumalabas na din ang iba’t-ibang klase ng krimen. Napa-uwi ako bigla dahil kailangan ng pambayad sa eskwelahan pati sa tinitirahan ko ngayon. Sa dinami-rami kasi ng malapit na unibersidad sa bayan na namin, mas pinili ko pa yung halos tatlong oras na byahe ang layo sa amin. Kaya eto, nagtitigil sa isang bahay-upahan malapit sa eskwelahan at umuuwi paminsan-minsan sa bahay kung kinakailangan.

Tulad ng ibang hapon na umuuwi ko, tiyak sasalubungin ulit ako ng batang namamalimos. Nakasanayan ko ng magbigay sa kanya ng ilang barya na inilalagay ko sa bulsa ng pantalon ko. Minsan naman, talagang tumitigil pa ako para maghanap lang ng kaunting barya na maibibigay sa kanya. Pero parang iba ang kondisyon ko ngayon, di ko alam kung bakit. Habang papalapit na ako ng papalapit sa kinaroonan ng bata ay may kung anong pwersa ang tumutulak sa akin na magpatuloy lang sa pagmamadali ng lakad. Madadaanan ko na ang bata, “Kuya, barya lang po.” Sabay sahod ng marumi niyang kamay sa tapat ko. Pero pinili kong iwasan ang bata, hindi ko tiningnan ang mukha niya, hindi ako tumigil para dukutin ang natitirang barya sa bulsa. Deretso lang ng lakad, deretso lang ng tingin.

Napabuntong hininga ako pagkarating ko sa taas ng overpass. Minsan lang naman hindi makapagpalimos, ayos lang yun. Pero parang bumigat lalo ang pakiramdam ko. Maliban sa isang backpack na dala ko ay parang nadagdagan pa ito ng isang sako ng bigas sa mga balikat ko. Mas lalo pang naging kapansin-pansin sa mata ko ang kalagayang ng iba pang mga pulubi na nandito sa taas ng overpass. Bumilis ang kabog ng puso ko dahil sa mabilis na pag-akyat ko sa hagdan at bumagal naman ang kaninang nagmamadali kong mga paa. Sa kaliwa ko ay naka-upo sa nilatag na mga karton ang isang babae na may hawak na sanggol. Sa di kalayuan naman, nakita ko na ng mabuti na ang lalake pala na may dalang tungkod ay hindi matanda kundi isang bulag.  Nandoon din yung lalaking may mga nakatuhog  na  bakal sa kanang binti. Naalala ko tuloy ng minsan ko siyang makatabi sa jeep at nakita ko ng malapitan ang namamaga niyang tinuhog na binit. Nanghihina ang mga tuhod ko. Pakiramdam ko nasa entablado ako at lahat ng mata ay nakatingin sa akin.

Napakababaw ko naman para makonsensya.

Sa wakas, narating ko rin ang baba ng overpass, napabuntung-hininga ulit ako. Pero hindi nawala ang bigat na nararamdaman ko. Sumakay ako ng bus at umupo malapit sa bintana. Malilimutan mo rin yan Jun-jun, huwag ka na mag-alala. Maya-maya pa’y umandar na rin ang sasakyan.

“Oh, chicharon kayo diyan, tubig, kendi.” Sigaw ng naglalako ng pagkain.
“Pabili ho ng kendi.” Sabay dukot ko sa bulsa ng dalawang pisong barya.
“Thank you, ser.” Sabay abot sa akin ng tatlong pirasong kendi.

Tila dala ng  malamig na hangin na humahampas sa mukha ko ang pagninilay-nilay sa pangyayari kanina. Tiningnan ko ang kamay ko, tatlong pirasong kendi. May maitutulong kaya ang dalawang pisong barya ko sa batang iyon kanina? Naalala ko tuloy si Bren. Si Bren na walang nakagisnang tatay. Ang batang iyon kaya ay may tatay?  

Si Bren, dalawang taon ko na siyang kasama sa dorm. At kailan ko lang nalaman na hindi pa niya nakikita ang tatay niya kahit sa litrato lang dahil nabuntis lang pala ang nanay niya. Lumaki siya sa tiyahin niya at itinuring na ring ina. Pero hindi mo aakalaing may ganito siyang buhay. Matalino siya at masipag mag-aral. Medyo mahiyain pero may talento pala sa pag-awit at pagguhit. Marami din siyang kaibigan. Noong maikwento niya sa akin ang buhay niya, parang wala lang sa kaniya. Yung normal lang na ekspresyon ng mukha niya, walang pinakitang lungkot o galit. Nung minsan kong tinanong kung gusto niya makita tatay niya, sagot niya sakin, “Sa totoo lang, hinahanap ko siya. Sa internet, sa facebook. Syempre gusto ko siyang makita pero hanggang dun nalang siguro.”

Tiningnan ko ang relo ko. Malapit na pala mag-alas singko. Mukhang aabutan pa rin ako ng dilim bago maka-uwi.

“Pamasahe lang ho.” Lumapit na sakin ang matabang konduktor. Buti pa siya, malusog.

Wala na akong madukot na barya sa bulsa. Tiningnan ko ang pitaka ko, singkwenta pesos nalang ang laman. Bente singko ang ibabayad ko ngayon at bente dos naman mamaya para sa huling sakay mamaya sa jeep. Sakto lang. Iniabot ako ang bayad at iniabot niya naman sa akin ang tiket at sukli. Sabay pasok lahat sa bulsa ng pantalon. Sana pala nangutang muna ako kay Ronald.

Si Ronald, bagong kasama namin ni Bren sa kwarto. Isa rin ‘tong tao ito. Lima silang magkakapatid pero nagawa pa ring maghiwalay ng mga magulang niya. Nasa ibang bansa ang nanay niya at ang tatay naman niya, hindi na umuuwi sa kanila bagaman nakakausap niya minsan sa telepono. Noong una akala ko pasaway tong taong to. Unang dating ba naman sa kwarto, nagkwento agad ng tungkol sa halikan nila ng nobya niya. Unang halik pala kaya sabik ikwento ang karanasan. Napaka-kwelang tao, pero sa kabila pala ng napakamasayahing anyo ay nakukubli ang malungkot na kalagayan ng pamilya niya. Nakakahanga siya dahil isa siya sa mga madasaling tao na nakilala ko.

Bumalik ako sa ulirat ng biglang tumigil ang bus. May sumakay na babae at lalaki na may kasamang bata. Isang pamilya siguro. Tumabi sila sa akin, kalong-kalong ng tatay ang batang lalaki.
“Papa, sabi mo bibilihan mo ko ng laruang bus?” Sabi ng bata sa lalaking may kalong sa kaniya.
Tiningnan ko ang lalaki, ngumiti siya sa bata sabay sabing, “Sa susunod anak, pramis.”
Binalik ko ang tingin ko sa bintana at muling naglakbay ang diwa.

Si Sir Francis. Minsan kaming dumalaw sa isang bahay ampunan sa Cavite. Nagsilbi kami sa mga bata doon. Nagturo ng mga kanta, nagkwento, nagbigay ng pagkain. Tulad ng ibang mga bata, mahilig silang maglaro, makukulit at malilikot. Pero sa tuwing titingin ako sa mga mata nila, parang nakikita ko rin kung anong tahanan mayroon sila at bakit sila napunta sa lugar na tulad nito. Bago kami umuwi, kinausap kami ng isa sa mga guro sa ampunan.
“Sa tingin niyo, bakit may mga ampunan na tulad nito?” Tanong ni Sir Francis sa amin.
“Para sa mga mahihirap na pamilya?” Sagot sa isa sa mga kasama ko.
“Para sa mga iniwang bata.” Sagot naman ng isa pa.

Wala rin akong maisip na dahilan kung bakit nga ba may mga ampunan. Dahil nga ba  sa mga magulang na wala ng maipakain sa anak nila? O para ba ito doon sa mga mag-asawang hindi magkaanak kaya naghahanap ng pwedeng maging anak sa mga ampunan?

Sandaling natigil ang pagmumuni-muni ko sa bus dahil malapit na pala akong bumaba.
Kulay kahel na ang kalangitan ng makababa ako sa destinasyon ko. Malapit na magdilim. Binilisan ko na ulit ang lakad ko papuntang terminal. Sa jeep, habang nag-aantay ng iba pang pasahero, napansin ko ang dalawang magnobyo na naka-upo sa bandang dulo ng sasakyan, malapit sa likod ng drayber. Naglalampungan ang dalawa na parang mga pusa. Hindi naman ako naiingit dahil wala akong nobya pero naalala ko yung sagot ni Sir Francis.

“Kaya may mga ampunan dahil sa mga maling desisyon ng mga kabataang tulad niyo. Karamihan sa mga batang ito ay resulta ng maagang pagbubuntis. Ang iba naman ay namaltrato ng mga magulang, mga kabataan na hindi binigyang importansya ang pag-aaral. At ang iba, dahil sa wasak na tahanan at kahirapan Kung tutuusin nga ay, mas mabuti kung walang mga ampunan. Ibig sabihin, walang batang nasasaktan, naiiwan o pinapabayaan.”

Nagsimula ng umandar ang sasakyan, at bigla kong napansing napatitig na pala ako ng matagal sa dalawang kabataan sa jeep. Tumigil sila sa paglalandian, nahiya yata nang mapansin nilang matagal akong nakatingin sa kanila. Binaling ko ang tingin ko sa labas ng bintana ng jeep at bumalik sa alaala ko ang bata kanina sa overpass. Ano nga kayang tahanan mayroon ang batang iyon at naging ganoon ang kalagayan niya? Katulad kaya siya ni Bren na walang tatay? O ni Ronald na hiwalay ang magulang?

Mabilis nang lumalatag ang dilim. Tiningnan ko ang relo ko, mag-aalas sais na ng hapon.

May naituturing kayang tahanan yung mga taong nakatira sa taas ng overpass? Siguro’y sa isip nila, mawala na ang ibang gusali roon huwag lang matinag ang overpass at huwag lang mabawasan ang mga taong dumaraang paroo’t parito sa mataas na gusaling iyon.

Naging pamilyar na ng unti-unti ang nasa paligid.
“Para ho ma, sa tabi lang.” Bumaba ako ng jeep at napansing nalagom na ng tuluyan ng dilim ng gabi ang lansangan. Nakarating na rin ako, sa wakas.

Sabi nila, ang tahanan daw ay iyong lugar kung na saan ang iyong puso. Masasabi nga kaya ng batang iyon sa overpass na tahanan niya ang lugar kung san siya nagugutom, kung saan siya tumutunghay sa mga tao upang mamalimos? Yung mga bata sa ampunan, saan kaya ang tahanan nila? Doon ba sa lugar kung saan kabangisan ang kanilang kinalakihan o doon sa ampunan na may mga taong handang mag-alaga at magturo bagaman hindi nila kapamilya ni kadugo man lang? 

Marami pang katanungan. Siguro’y hindi ko pa malalaman ngayon ang sagot, at ang iba’y mananatiling tanong. Paano nananatiling masaya si Ronald sa kabila ng kalagayan ng pamilya niya? Makikita pa kaya ni Bren ang tatay niya?

Nakarating na ko sa tapat ng bahay namin. Tiningnan ko ang relo ko, saktong alas sais y media. Maswerte pa pala ako. Kahit tres nalang natitirang pera ko, may kumpletong pamilya naman ako.
May ngiting lumapat sa mga labi ko. Magkahalong lungkot at tuwa ang kahulugan noon. Kinapa ko ang tres pesos sa bulsa ko bago ako pumasok sa bahay. Kasama  pa rin ng barya ang tiket sa bus kanina at natitirang isang kendi. May maiaabot pa ako sa bata sa overpass pagbalik ko dorm bukas.

--------

Lahok para sa Saranggola Blog Awards 2013








Aug 1, 2012

The Illusionist Movie Review


I was really amazed by this 2006 movie, The Illusionist.

I once mentioned in one of my posts that I am really late in watching movies. But anyway, better late than never. :D If you have viewed this movie already and had taken a moment watching even the beginning credits, you will find that it is based to a short story by Steven Millhauser, Eisenheim, The Illusionist. As a fan of classic literature and very fond of short stories, I searched the web, wanting to read the story after watching the movie yesterday night. I was somewhat curious to find resemblances between the two arts. Millhauser is not a popular writer that’s why his works are a bit hard to find. Good thing I found a PDF file!

Credits to Google.
After reading the story, I wasn’t that satisfied maybe because I already saw the movie and had known already about the features. But If I were to recommend you, read first about the story then watch later the movie.

The plot is about this popular magician who does tricks with striking originality. The common magical illusions other magicians do, he replace them with uncanny and notable inventions of his own. And this magician is Eisenheim. In the short story, the whole thing evolves only around Eisenheim’s incredible magic and competition with his rivals in the theatre world where they perform.

In Neil Burger’s adaptation of the movie, the story focused to Eisenheim’s love story. The story had been narrated from the point of view of the chief inspector, Herr Uhl, who was a fan of him but later became a secret investigator of Eisenheim’s tricks because of the crowned prince. I forgot to mention that the setting was in late 1800’s and beginning of 1900’s in Vienna. Eisenheim had only one love; they were childhood sweethearts but their relationship was unwanted because the girl came from a well-known family of their country while Eisenheim was a son of a cabinet maker only. Truth is, knowing the life of Eisenheim was even a mystery. It had only been read from newspapers and magazines. Little is known about his early life and his life outside the realm of illusion. This had made the story exciting and peculiar. It’s funny how I shifted my point of view from the protagonist to the narrator. If you are not focused on the movie, you will not understand how and why it came to that climax. I thought Eisenheim was just only skilful in making his own devices for magic and also dexterous in performing illusions. I even thought that he’s weak especially when it came to the part of spirituality and ghosts. But as the movie reaches its end, it proved that Eisenheim is intelligent and is exemplary with tricks and secrets.
Edward Norton (credits to Google)
My rating of this movie? 9/10. It should’ve shown more tricks and more competition with his fellow magicians just like in the story. But its revision and the setting up of the reason to Eisenheim’s vanishing was excellent! I also like that Edward Norton played Eisenheim’s character. He was perfect for it.

You can click here and read the short story.

May 25, 2012

Literary Contest

Isang karangalan ang masali sa Top 10 ng Bagsik ng Panitik Writing Contest ni Sir Bino. Natutuwa lang ako kasi unang pagkakataon na sumali ako sa ganitong klaseng ng pa-contest sa mga bloggers at nasali pa sa Top 10. Hindi ko akalain na ang maikling kwento ko ay maka-top 9. Huwaw lang. Three years na kong blogger pero ngayong year lang talaga naging socially active sa blogosphere. At may naging result agad ang pagiging active. Parang nanalo lang ako sa Juan for All, All for Juan ng Eat Bulaga, "Hindi ko po expected. Maraming salamat po sa mga nagbasa at naka-appreciate ng aking kwento. Sasali ulit ako sa kung ano mang contest or kahit anong pakulo ng mga bloggers. Hoho."
O sya, yun lang po. Eto po yung badge na nakuha ko. Sayang eh, di nasali sa Top 3. Ganda sana ng prizes. Haha.



Eto naman po yung link ng maikling kwento na ipinasa ko, Click lang kung gusto niyo basahin: Ako si Totoy
Click lang din po sa badge para makita ang site ni Sir Bino. :)



Apr 29, 2012

Ako si Totoy


“ANO NA? SABIHIN MO NA!” galit na galit na sumisigaw ang ama-amahan ko sa’kin.
“Hindi ko ho alam kung anong tinutukoy niyo,” ang takot kong sagot sa kanya habang ang dalawang lalaki sa magkabila kong tagiliran ay hawak-hawak ako ng mahigpit sa braso.
“ABA, MAGSISINUNGALING KA PA?” sabay senyas sa isa niyang tauhan. Sinimulan akong suntukin, sipa-sipain. Halos maisuka ko ang hapunan kong kanin at galunggong.
“Hindi!” –maubo-ubo akong nagsasalita sa pagitan ng mga pananakit. “Wala ho akong maintindihan.”
“STUPIDO!” at nakatanggap ang kaliwang pisngi ko ng isang nakabibinging sampal.

Napulot lang ako sa damuhan.
Pitong taon ako noon nang maratay sa banig ng karamdaman ang nakalakihan kong ina. Sa batang edad, namulat na ako sa gutom at hirap ng buhay. Pakiramdam ko’y kilala ko na ang mundo ko.
“Toy,” ang mahinang tawag sakin ni nanay isang gabi. “Toy, alam mo naming ampon lang kita di’ba?” Tumango ako bilang pagtugon. “Ang totoo niyan ay napulot lang kita doon sa may talahiban sa bakanteng lote.” Naiiyak na ko sa kalagayan ni nanay. “Pero kahit ganoon, huwag mo sanang iiwan ang asawa ko pag nawala ako. Ha? ‘Toy.” Wala na kong nagawa non kundi ang umiyak sa tabi ng higaan ni nanay.

“Pinalaki kita, pina-kain, pinag-aral. Tapos ito igaganti mo sakin? Ha!” Habang nakasabunot ang kaliwang kamay ni Tatay sa buhok ko upang itingala ang bugbog ko nang mukha. Malabo na ang paningin ko at wala na sa tamang ulirat. “Dumaan lang ho ako sa bilyaran.”
“OO NGA, OO NGA!” Sabay laglag ng ulo ko sa aking dibdib nang binitawan niya ng pabagsak ang buhok ko. “Sinong kinausap mo don?! Anong nangyari?” Iritang-irita na siya.
Tumingin ako sa paligid at nakita ang lalaking kaninang bumubugbog sakin na nakaupo sa tabi ng lamesa. Nauuhaw na ako. Tiningnan ko ang lamesa at nakita ang nag-iisang lampara na siyang nagbibigay liwanag sa maliit na lugar na ito. Habang ang mga kulisap ay patuloy ang pag-ikot sa nagbibigay liwanag na iyon.

Laruan ko ang damuhan. Tuwing uwian galing sa klase, ang deretso naming magkakaklase ay sa malawak na damuhan malapit sa bahay. Doon, magpapalipad kami ng mga sariling-gawang saranggola. Pakiramdam ko, ako ang lumilipad habang ang saranggola ay nasa himpapawid.
“Pataasan ng lipad!”
“Oo ba!”
 “Woah! Ang lakas ng hangin!
 “Ahhh.. Ang sarap lumipad!”
Makakauwi sana na masaya kung hindi dadatnan si Tatay na sa bahay na nakikipag-inuman. Uutusan ako, tatawanan at pag lasing na, mabubugbog. Wala akong magawa noon, isa akong bata.

Pinilit akong itayo ulit pagkatapos mahampas ang mga tuhod ko. Hindi ko na maramdaman ang mga binti ko. Nagsindi ng ikatlong sigarilyo si Tatay. Pagka-ihip at pagka-buga, umupo sya sa upuan na nasa tapat ko. “Alam mo kung pano ako magtiwala ‘Toy. Ibinigay ko sa’yo ang supot dahil pinagkatiwalaan kita.. KANINO MO BINIGAY? May diin ang huli niyang pangungusap. Inaalala ko ang pangyayari nang gabing iyon pero mas lumang larawan ng nakaraan ang pumapasok sa isip ko…
Nasaktan ako sa damuhan. Ikalawang taon ko sa highschool nung una kong makita si Anne sa silid-aklatan sa aming paaralan. Sa silid-aklatan ako lagi nakatambay; hindi dahil sa mahilig ako magbasa kundi dahil mahilig ako matulog. Second year din sya at matalino samantalang ako, last section. Kaya talaga namang nahihiya ako sa kanya. Utak-manok ako pero napatunayan kong hindi naman nang maka-isip ng paraan para mapalapit kay Anne. Nagbasa ako ng mga libro sa panitikan para gumaya ng mga linya tungkol sa pag-ibig. Inaabot ko sa kanya ang mga sulat tuwing hapon. Di sya sumagot kahit isang bes pero patuloy pa din ako. Hanggan sa isang araw, nakatanggap ako ng sulat.
Magkita daw kami sa damuhan sa likod ng silid-aklatan. Ako na yata ang pinaka-masaya noon habang nag-aantay sa kanya. Ngunit bigla iyong napawi nung kinausap na niya ko.
“Tigilan mo yung kalokohan na ginagawa mo. Hindi kita gusto at walang kwenta sakin tong mga sulat na to. Mabuti pa kung pag-aaral na lang ang atupagin mo.” At itinapon niya sa damuhan ang mga sulat. Nasaktan ko. Naiyak nalang ako sa sobrang sakit.

“Sasabihin ko na! Sasabihin ko na! Tama na, ayoko na!” Natigil ang mga masasakit na sipa at hampas. “Siguraduhin mo lang na totoo yang sasabihin mo.”
“Oho, totoo ho. Sasabihin ko na.”
“Dala-dala ko yung supot nun sa bilyaran. Nakita ako ni Mang Erni at kinausap. Iniabot ko ho sa kanya ang supot. Di’ba ayaw niyo nang makita yon? Hindi niyo na yun makikita kahit kailan! Wala na, wala na!” Nasa hinuha kong magagalit siya.
“ANAK NG TOKWA! WALA KA TALAGANG KWENTA!” Sabay batok, sampal at kung anu-anong pananakit dala ng sobrang galit.
“BUGBUGIN NIYO YANG STUPIDONG YAN HANGGANG MAGSAWA KAYO! At talagang ipinahamak mo pala talaga ako! Wala kang utang na loob! Mabuti pang mamatay ka na!

Buong buhay ko rin yata ay isang malawak na damuhan. At si Tatay, ang malignong kinatatakutan ko na humahabol sa akin sa malawak na damuhan na ‘to. Tumatakbo, paikot-ikot, makatakas lang sa maligno na hindi lang takot ang dinala sa buhay ko.
Pulis si Tatay pero kahit kailan hindi ko sya hinangaan.
Pinagmamalaki niyang isa daw siyang bayani. Bayani marahil ng mga kriminal.
Tagapanatili daw ng kapayapaan. Baka pasimuno ng kaguluhan.
Wala na kong magawa kundi ang sundin ang konsensya ko ng gabing yon.
Inutusan ako ni Tatay noon na ilayo ang natitirang mga droga na nakatago pa sa bahay. Pinaghihinalaan na daw sya sa kanilang departamento. May nagsumbong. Natatakot sa biglaang pag-inspeksyon ng mga nakatataas sa kagawaran nila.
Galit ako kay Tatay. Hindi, hindi sa kanya. Galit ako sa mga masasamang ginagawa niya.
Ang pananakit kay Nanay na naging dahilan ng pagkakasakit nito, ang pagkunsinti sa mga kriminal,  ang pagkurakot, ang droga.
Bayani sa harap ng ibang tao ngunit isa palang maligno. Isang demonyo ang tunay na anyo.
Iniabot ko ang supot kay Mang Erni. At wala na akong paki-alam sa kung ano pang maaring magawa sa akin ng maligno. Tiwala akong matitigil na ang maligno sa pagkalat ng mga lihim na lagim. Isang mabuting pulis si Mang Erni. Hindi na talaga makikita ni Tatay ang supot.

Napulot ako sa damuhan, mamamatay na rin siguro sa damuhan.
Matataas na talahib ang nakita ko habang hila-hila ako kanina ng isang lalaki.
Hindi ko na maramdaman ang buong katawan ko.
Pagod na ako – tulad ng sinabi ni Nanay bago siya mamatay.
Ilang sandali nalang, alam kong wala na ko. Napagtanto ko na.. mas mahirap ang mabuhay,
wala sa masama ang huling halakhak,
ang masaktan ay maaaring minsan lang.. hihilom din ang sugat,
bagaman masarap lumipad tulad ng saranggola, nakatali pa din ito, hindi makakalipad mag-isa,
at hindi ko pa kilala ang mundo ko. Sayang lang at maaga kong lilisanin ito..


Lahok para sa Bagsik ng Panitik ng Damuhan.com

Introduction

Okaaaay. I'm just giving my work a try. I am not really a writer so please bear. Haha.
I am a lover and a fan of short stories. I also read novels and the likes but short stories are the best for me. Maybe because short stories are short and they leave to your imagination the rest of the story. Unlike a novel which has an ending. If not, it has a sequel. Or sometimes may also leave you hanging after the so many adventures of the characters which at some point I hate because it makes me think, NOW WHAT?!
Short stories are not really short by just it's mere number of words. It is short because it is just a little part of someone or somebody's life story which have been put into words and that had been given a greater detail.
Just last semester, I had found out that I can write short stories. It started when one day I went to the Filipiniana Section of my university's library then I started reading short stories of Filipino writers. That is why I had already written some and shared it here. If you want to read them, click this and this. Most of what I have already written were inspired by the works of the great Filipino writers I have read. And I think they're fine for a beginner like me.
And so, I am going to post another short story. This one's not really good, I admit. But I just tried. It is a piece for a contest of Sir Bino. I have been a silent reader of his blog for almost three months when a contest for free writing was announced. This time, I was not inspired by any work. That is why I am a bit not confident of my work. >.<
Deadline is tomorrow. And I'm just going to submit now. Haha. Better late than never.
I have read the work of others and they are just really awesome that I was hesitating at first to write and submit one. Even at this very moment, before submitting, I am doubtful. But for the sake of my love for short stories (really?), I am going to submit. Soooo, this is just an introduction to my story. :D
Click this if you haven't found my new story yet or just in case you want to read it. :)

Dec 28, 2011

Prologue

I already have posted this three months ago and I just like a repost. Haha.
The truth is, I made this short story for the celebration of Buwan ng Wika last August. But then, I finished it late and hadn't posted it on time. So I blogged it as a random post.
This is my first short story ever written and is inspired by a University of the Philippines' student. I forgot his name and his book but thanks to him I have gathered ideas and thoughts and have written a story.
Being in the dormitory for the last month of the semester with no television, no money, no food, and no good internet, you'll really find ways just to get yourself busy and entertained. That is why, this came up.
I am not a pro-writer, just a beginner. Get yourself entertained too while reading.
Note: Characters, setting, and plot are all fictional.
Have Fun!
Just choose and click the link:
Scribd.com : Some Liaisons
Google Docs: Some Liaisons

emerge © , All Rights Reserved. BLOG DESIGN BY Sadaf F K.