Oct 15, 2013

Tres

“Palimos po, Ate, Kuya. Pambili ko lang po ng pagkain.”

Malayo pa lang ay napansin ko na ang batang lalaki sa baba ng overpass. Mga pito hanggang sampung taong gulang. Madungis at ga-tingting ang katawan sa kapayatan.

Sa tuwing pauwi ako sa amin, nakakasalubong ko ang batang ito. Walang reaksyon kalimitan ang mukha niya tuwing namamalimos. Parang normal na lang na gawain ang manghingi ng barya sa mga taong dumadaan. Isa lamang siya sa marami pang mga pulubi dito sa overpass.

Pauwi na ako ngayon sa bahay galing sa dorm. Ganito lagi ang natatanaw ko sa maingay at mausok na lansangan na ito – mga naghilerang tindahan sa gilid ng kalsada, trapik, mga taong pagal sa paghahanap ng lunas sa suliranin ng buhay. Medyo nagmamadali na ako dahil dapit-hapon na at ayaw kong gagabihin ng pag-uwi. Hindi na maintindihan ang takbo ng utak ng mga tao ngayon. Pagsasapit na kasi ang dilim, lumalabas na din ang iba’t-ibang klase ng krimen. Napa-uwi ako bigla dahil kailangan ng pambayad sa eskwelahan pati sa tinitirahan ko ngayon. Sa dinami-rami kasi ng malapit na unibersidad sa bayan na namin, mas pinili ko pa yung halos tatlong oras na byahe ang layo sa amin. Kaya eto, nagtitigil sa isang bahay-upahan malapit sa eskwelahan at umuuwi paminsan-minsan sa bahay kung kinakailangan.

Tulad ng ibang hapon na umuuwi ko, tiyak sasalubungin ulit ako ng batang namamalimos. Nakasanayan ko ng magbigay sa kanya ng ilang barya na inilalagay ko sa bulsa ng pantalon ko. Minsan naman, talagang tumitigil pa ako para maghanap lang ng kaunting barya na maibibigay sa kanya. Pero parang iba ang kondisyon ko ngayon, di ko alam kung bakit. Habang papalapit na ako ng papalapit sa kinaroonan ng bata ay may kung anong pwersa ang tumutulak sa akin na magpatuloy lang sa pagmamadali ng lakad. Madadaanan ko na ang bata, “Kuya, barya lang po.” Sabay sahod ng marumi niyang kamay sa tapat ko. Pero pinili kong iwasan ang bata, hindi ko tiningnan ang mukha niya, hindi ako tumigil para dukutin ang natitirang barya sa bulsa. Deretso lang ng lakad, deretso lang ng tingin.

Napabuntong hininga ako pagkarating ko sa taas ng overpass. Minsan lang naman hindi makapagpalimos, ayos lang yun. Pero parang bumigat lalo ang pakiramdam ko. Maliban sa isang backpack na dala ko ay parang nadagdagan pa ito ng isang sako ng bigas sa mga balikat ko. Mas lalo pang naging kapansin-pansin sa mata ko ang kalagayang ng iba pang mga pulubi na nandito sa taas ng overpass. Bumilis ang kabog ng puso ko dahil sa mabilis na pag-akyat ko sa hagdan at bumagal naman ang kaninang nagmamadali kong mga paa. Sa kaliwa ko ay naka-upo sa nilatag na mga karton ang isang babae na may hawak na sanggol. Sa di kalayuan naman, nakita ko na ng mabuti na ang lalake pala na may dalang tungkod ay hindi matanda kundi isang bulag.  Nandoon din yung lalaking may mga nakatuhog  na  bakal sa kanang binti. Naalala ko tuloy ng minsan ko siyang makatabi sa jeep at nakita ko ng malapitan ang namamaga niyang tinuhog na binit. Nanghihina ang mga tuhod ko. Pakiramdam ko nasa entablado ako at lahat ng mata ay nakatingin sa akin.

Napakababaw ko naman para makonsensya.

Sa wakas, narating ko rin ang baba ng overpass, napabuntung-hininga ulit ako. Pero hindi nawala ang bigat na nararamdaman ko. Sumakay ako ng bus at umupo malapit sa bintana. Malilimutan mo rin yan Jun-jun, huwag ka na mag-alala. Maya-maya pa’y umandar na rin ang sasakyan.

“Oh, chicharon kayo diyan, tubig, kendi.” Sigaw ng naglalako ng pagkain.
“Pabili ho ng kendi.” Sabay dukot ko sa bulsa ng dalawang pisong barya.
“Thank you, ser.” Sabay abot sa akin ng tatlong pirasong kendi.

Tila dala ng  malamig na hangin na humahampas sa mukha ko ang pagninilay-nilay sa pangyayari kanina. Tiningnan ko ang kamay ko, tatlong pirasong kendi. May maitutulong kaya ang dalawang pisong barya ko sa batang iyon kanina? Naalala ko tuloy si Bren. Si Bren na walang nakagisnang tatay. Ang batang iyon kaya ay may tatay?  

Si Bren, dalawang taon ko na siyang kasama sa dorm. At kailan ko lang nalaman na hindi pa niya nakikita ang tatay niya kahit sa litrato lang dahil nabuntis lang pala ang nanay niya. Lumaki siya sa tiyahin niya at itinuring na ring ina. Pero hindi mo aakalaing may ganito siyang buhay. Matalino siya at masipag mag-aral. Medyo mahiyain pero may talento pala sa pag-awit at pagguhit. Marami din siyang kaibigan. Noong maikwento niya sa akin ang buhay niya, parang wala lang sa kaniya. Yung normal lang na ekspresyon ng mukha niya, walang pinakitang lungkot o galit. Nung minsan kong tinanong kung gusto niya makita tatay niya, sagot niya sakin, “Sa totoo lang, hinahanap ko siya. Sa internet, sa facebook. Syempre gusto ko siyang makita pero hanggang dun nalang siguro.”

Tiningnan ko ang relo ko. Malapit na pala mag-alas singko. Mukhang aabutan pa rin ako ng dilim bago maka-uwi.

“Pamasahe lang ho.” Lumapit na sakin ang matabang konduktor. Buti pa siya, malusog.

Wala na akong madukot na barya sa bulsa. Tiningnan ko ang pitaka ko, singkwenta pesos nalang ang laman. Bente singko ang ibabayad ko ngayon at bente dos naman mamaya para sa huling sakay mamaya sa jeep. Sakto lang. Iniabot ako ang bayad at iniabot niya naman sa akin ang tiket at sukli. Sabay pasok lahat sa bulsa ng pantalon. Sana pala nangutang muna ako kay Ronald.

Si Ronald, bagong kasama namin ni Bren sa kwarto. Isa rin ‘tong tao ito. Lima silang magkakapatid pero nagawa pa ring maghiwalay ng mga magulang niya. Nasa ibang bansa ang nanay niya at ang tatay naman niya, hindi na umuuwi sa kanila bagaman nakakausap niya minsan sa telepono. Noong una akala ko pasaway tong taong to. Unang dating ba naman sa kwarto, nagkwento agad ng tungkol sa halikan nila ng nobya niya. Unang halik pala kaya sabik ikwento ang karanasan. Napaka-kwelang tao, pero sa kabila pala ng napakamasayahing anyo ay nakukubli ang malungkot na kalagayan ng pamilya niya. Nakakahanga siya dahil isa siya sa mga madasaling tao na nakilala ko.

Bumalik ako sa ulirat ng biglang tumigil ang bus. May sumakay na babae at lalaki na may kasamang bata. Isang pamilya siguro. Tumabi sila sa akin, kalong-kalong ng tatay ang batang lalaki.
“Papa, sabi mo bibilihan mo ko ng laruang bus?” Sabi ng bata sa lalaking may kalong sa kaniya.
Tiningnan ko ang lalaki, ngumiti siya sa bata sabay sabing, “Sa susunod anak, pramis.”
Binalik ko ang tingin ko sa bintana at muling naglakbay ang diwa.

Si Sir Francis. Minsan kaming dumalaw sa isang bahay ampunan sa Cavite. Nagsilbi kami sa mga bata doon. Nagturo ng mga kanta, nagkwento, nagbigay ng pagkain. Tulad ng ibang mga bata, mahilig silang maglaro, makukulit at malilikot. Pero sa tuwing titingin ako sa mga mata nila, parang nakikita ko rin kung anong tahanan mayroon sila at bakit sila napunta sa lugar na tulad nito. Bago kami umuwi, kinausap kami ng isa sa mga guro sa ampunan.
“Sa tingin niyo, bakit may mga ampunan na tulad nito?” Tanong ni Sir Francis sa amin.
“Para sa mga mahihirap na pamilya?” Sagot sa isa sa mga kasama ko.
“Para sa mga iniwang bata.” Sagot naman ng isa pa.

Wala rin akong maisip na dahilan kung bakit nga ba may mga ampunan. Dahil nga ba  sa mga magulang na wala ng maipakain sa anak nila? O para ba ito doon sa mga mag-asawang hindi magkaanak kaya naghahanap ng pwedeng maging anak sa mga ampunan?

Sandaling natigil ang pagmumuni-muni ko sa bus dahil malapit na pala akong bumaba.
Kulay kahel na ang kalangitan ng makababa ako sa destinasyon ko. Malapit na magdilim. Binilisan ko na ulit ang lakad ko papuntang terminal. Sa jeep, habang nag-aantay ng iba pang pasahero, napansin ko ang dalawang magnobyo na naka-upo sa bandang dulo ng sasakyan, malapit sa likod ng drayber. Naglalampungan ang dalawa na parang mga pusa. Hindi naman ako naiingit dahil wala akong nobya pero naalala ko yung sagot ni Sir Francis.

“Kaya may mga ampunan dahil sa mga maling desisyon ng mga kabataang tulad niyo. Karamihan sa mga batang ito ay resulta ng maagang pagbubuntis. Ang iba naman ay namaltrato ng mga magulang, mga kabataan na hindi binigyang importansya ang pag-aaral. At ang iba, dahil sa wasak na tahanan at kahirapan Kung tutuusin nga ay, mas mabuti kung walang mga ampunan. Ibig sabihin, walang batang nasasaktan, naiiwan o pinapabayaan.”

Nagsimula ng umandar ang sasakyan, at bigla kong napansing napatitig na pala ako ng matagal sa dalawang kabataan sa jeep. Tumigil sila sa paglalandian, nahiya yata nang mapansin nilang matagal akong nakatingin sa kanila. Binaling ko ang tingin ko sa labas ng bintana ng jeep at bumalik sa alaala ko ang bata kanina sa overpass. Ano nga kayang tahanan mayroon ang batang iyon at naging ganoon ang kalagayan niya? Katulad kaya siya ni Bren na walang tatay? O ni Ronald na hiwalay ang magulang?

Mabilis nang lumalatag ang dilim. Tiningnan ko ang relo ko, mag-aalas sais na ng hapon.

May naituturing kayang tahanan yung mga taong nakatira sa taas ng overpass? Siguro’y sa isip nila, mawala na ang ibang gusali roon huwag lang matinag ang overpass at huwag lang mabawasan ang mga taong dumaraang paroo’t parito sa mataas na gusaling iyon.

Naging pamilyar na ng unti-unti ang nasa paligid.
“Para ho ma, sa tabi lang.” Bumaba ako ng jeep at napansing nalagom na ng tuluyan ng dilim ng gabi ang lansangan. Nakarating na rin ako, sa wakas.

Sabi nila, ang tahanan daw ay iyong lugar kung na saan ang iyong puso. Masasabi nga kaya ng batang iyon sa overpass na tahanan niya ang lugar kung san siya nagugutom, kung saan siya tumutunghay sa mga tao upang mamalimos? Yung mga bata sa ampunan, saan kaya ang tahanan nila? Doon ba sa lugar kung saan kabangisan ang kanilang kinalakihan o doon sa ampunan na may mga taong handang mag-alaga at magturo bagaman hindi nila kapamilya ni kadugo man lang? 

Marami pang katanungan. Siguro’y hindi ko pa malalaman ngayon ang sagot, at ang iba’y mananatiling tanong. Paano nananatiling masaya si Ronald sa kabila ng kalagayan ng pamilya niya? Makikita pa kaya ni Bren ang tatay niya?

Nakarating na ko sa tapat ng bahay namin. Tiningnan ko ang relo ko, saktong alas sais y media. Maswerte pa pala ako. Kahit tres nalang natitirang pera ko, may kumpletong pamilya naman ako.
May ngiting lumapat sa mga labi ko. Magkahalong lungkot at tuwa ang kahulugan noon. Kinapa ko ang tres pesos sa bulsa ko bago ako pumasok sa bahay. Kasama  pa rin ng barya ang tiket sa bus kanina at natitirang isang kendi. May maiaabot pa ako sa bata sa overpass pagbalik ko dorm bukas.

--------

Lahok para sa Saranggola Blog Awards 2013








No comments:

Post a Comment

Let me hear your thoughts!

< > Home
emerge © , All Rights Reserved. BLOG DESIGN BY Sadaf F K.