Oct 17, 2011

Hiling


Minsan kang humiling dahil sa isang pagkakamali
May halong pamimilit, kaya siguro dininig.
Tamang desisyon na may maling aksyon?
O tamang aksyon na may maling desisyon?

Ang landas mong napili, di mawari-wari
Kung ito nga ba ang dapat mong tahakin,
O di kaya’y ipagwalang-bahala nalang,
Kahit saglit.

Saglit mang kung isipin, ikaw’y mahuhuli pa rin
Kaya itinuloy nalang and takbuhin,
 kahit ang damdami’y hindi kaakit-akit.

Napadaan ka ngayon sa likong masaya
Iyong dinadaanan, napuno ng ligaya
Natuwa ka ba dahil ika’y natawa?
O, natawa ka dahil ika’y natuwa?

Pero sadyang hindi mo pa kabisado ang dinadaanan mo,
Ligaya’y napalitan ng lungkot,
Pakiramadam mo tuloy, dumating ay salot.

Sa isang pag liko ng iyong daanan,
Baku-bako, biglang tumambad.
Di ka pa naman sanay sa maputik at mabatong daan.
Tuloy, sugat at hirap, iyong naranasan.

Tumigil ka ba para umiyak?
O umiyak nalang para tumigil?

Tila baga, nawalan ka ng pag-asa
Buti nalang, may singit na eksena.
Umiiyak ka pa rin, ang paglakad ay hindi tinigil
Kasabay ng iyong mga hakbang at hikbi,
Maririnig ay isang hiling:
“Pwede ba akong bumalik sa umpisa?
Hindi pa kasi ako sanay sa hirap at dusa.”

Hindi mo talaga alam kung ikaw ay pagod na,
O gusto mo lang talagang ang mga iyan ay takasan na.

Nag-antay ka ng tanda, sa signos umasa.
Walang patid na paghiling,
Mga hikbing walang tigil.

Nagbibingi-bingihan ba ang langit?
O, nabingi nalang sa nakaririndi mong tinig?

“Pwede ba akong bumalik sa umpisa?
Hindi pa kasi ako sanay sa hirap at dusa.”
Mukhang dumating na nga ang tanda,
Ang signos na ninanasa

Naranasan mo na ang ligaya, pati na rin ang hirap at dusa.
Malamang alam mo na nga, kung ano ang ihahanda.
Panibagong landas na iyong tatahakin,
May alam ka na rin kung pa’no harapin.

Maaaring mabawasan o madagdagan,
Tuwa’t tawa na iyong naramdaman.
Ang pagiging mag-isa ay lalo mong asahan,
Di lahat ng bagay ay iyong katutuwaan.

Nahiyangan mong lubak at putik,
Iyong madadaanan pang muli.
Aatras ka ba sa nasimulan mo?
O, sisimulan mo ng atrasan ang kahilingan mo?

Minsan kang humiling dahil siguro sa isang pagkakamali.
May halo palang pamimilit, kaya yata dininig.


-gusto ko lang ulit magpost ng tula. antagal na nung huli eh. :)

2 comments:

Let me hear your thoughts!

< > Home
emerge © , All Rights Reserved. BLOG DESIGN BY Sadaf F K.