Nagtatakbuhan at halos magsigawan ang mga tao sa paligid ko. Alam kong kailangan ko na ring lumikas pero hindi ako agad makakilos. Tiningnan ko ang mga paa ko at ipinilit tong ihakbang pero hindi ko magawa. Sinubukan ko ulit at nagawa kong kumilos kahit papaano. Pero bakit parang nakaluhod akong humahakbang? Nagiging mas madilim pa ang mga ulap at nagsisimula nang umambon.
Kailangan kong makaalis, kailangan kong tumakbo!
“Aa-aaaaahhh!!”
“Daris. Daris, ok ka lang ba?” Nakita ko si nanay sa tabi ko. Panaginip lang pala.
“Ang init mo, anak,” sabi ni nanay habang nakalapat ang palad niya sa noo ko. “Nilalagnat ka. Teka ha, tawagin ko lang ang nars.”
Hinawakan ko ang mukha ko. Pawis na pawis ako pero malamig ang pakiramdam ko. Napansin ko rin na may swero sa kaliwang kong kamay. Ano nga bang nangyari sa’kin?
Dumating na si nanay kasama ang isang babae. May hawak siyang thermometer at inipit niya iyon sa kili-kili ko. “39°C po. May lagnat po kayo sir. Painumin ko nalang po kayo ng Paracetamol,” sabay inabot ng nars kay nanay ang isang tableTay gamot.
“Babalik nalang po ako ulit mamaya.”
“Sige, salamat ha,” ngumiti ang nars kay nanay at lumabas ng kwarto. Ininom ko na rin agad ang gamot at ngayon ko lang din napansing mabuti kung na saan ako. “Kaya ka siguro nanaginip ng masama dahil sa lagnat mo. Ayos na ba pakiramdam mo?” Tanong sakin ni nanay habang pinupunasan ako ng basang pamunas.
“Medyo okay na po. Anong oras na po ba?” Tumingin ako sa paligid at naghanap ng orasan. Nakita ko sa harap ko ang tatlo pang kama na tulad sa akin. May taong nakahiga doon sa kaliwang kama malapit sa bintana. Matanda na siya at mukhang mahina na ang kalagayan dahil sa payat na braso at mukha niya. May nakahiga rin sa gitnang kama, pero mukhang siya ang kasama ng matanda sa tabi niya.
Sa kaliwa ko naman na katabi lang ng aking kama ay may lalaki rin na nakahiga na sa tingin ko ay nasa mahigit trenta ang edad. At mukhang asawa niya ang natutulog sa tabi niya. Bakante ang katabi kong kama sa kanan malapit sa pintuan. May orasan sa itaas ng pinto pero hindi na iyon gumagana.
“Alas dos y media pa lang kaya matulog ka na ulit. Mamaya na tayo mag-usap at medyo inaantok pa rin ako.” Sagot ni nanay sakin habang pumupwesto na siya ng higa sa bakanteng kama na katabi namin. Inalis ko ang nakapatong na kumot sa katawan ko at nakita ko ang kanang binti ko na naka-semento, mula sa tuhod hanggang sa paa.
Nagbibisikleta lang ako tuwing papasok sa eskwelahan. Ehersisyo ko na iyon at para na rin makatipid. Sa loob ng apat na taon ko sa kolehiyo, sa huling taon pa ako naaksidente. Hindi mo nga talaga alam kung anong pwedeng mangyari sa’yo.
Sa totoo lang, walang nakabanggang sasakyan sa akin. Iyon ang pagkaka-alam ko dahil wala masyadong sasakyan ng hapon na iyon habang pauwi ako. Mabilis ang takbo ng mga sasakyan kapag ganoon ang kalagayan ng kalsada. Nagulat na lang ako nang biglang isang gulong ang malakas na bumunggo sa akin. Gulong lang talaga, wala ang mismong sasakyan. Mabilis ang pangyayari dahil mabilis ang takbo ng mga sasakyan, mabilis din ang paandar ko. Hindi ko na alam ang nangyari pagkatapos kong makita ang sarili ko na duguan. Malaki ang takot ko sa dugo kaya bigla nalang nandilim ang paningin ko at nawalan ng malay. At heto nga, nagising na lang ako na nasa ospital, sementado ang kanang binti, may mga gasgas sa braso, at masakit ang katawan.
Nawala bigla ang antok ko nang maalala ko ang dami ng requirements na tatambak sa’kin paglabas ko ng ospital. Isang semester nalang at makakagradweyt na ako, ‘wag naman sana maudlot pa. Malapit nang matapos ang 1st semester at ilang linggo nalang, final examinations na. Tapos heto ako, ilang araw pang hindi makakapasok dahil sa sementadong binti. Idagdag pa ang bayarin sa ospital. Sakit sa ulo, paano kaya ito?
Mas lalo akong nagising nang biglang, “Nars! Nars! Tulong!! Doktor! Kailangan namin ng doktor!!”
Natatarantang sigaw ng babae bantay sa pasyenteng katabi ko. Tumakbo ito palabas at binaling ko ang tingin ko sa pasyente. Naninigas ang buong katawan niya, maputlang-maputla ang kulay at tumitirik na ang mata. Isang grupo ng nars at doktor ang pumasok sa kwarto dala-dala ang kung anu-anong mga aparato. Nakita ko nalang na pinapasakan ng tubo sa bibig ang lalaki at pagkatapos noon ay hindi ko na makita pa kung ano pang ginawa sa kanya dahil natakpan na siya ng mga manggagamot.
“Diyos ko po, wag naman sana.” Mahinang sambit ni nanay, na nakatayo na sa aking tabi, habang ang mga kamay niya ay nakatiklop at akmang nananalangin.
Halos mag-iisang oras din nilang nire-revive ang lalaki. Namalayan ko nalang na payapa na ang paligid nang makaramdam na ako ng antok at unti-unti na ring nag-aalisan ang mga nars. Narinig ko na kinausap ng doktor ang bantay ng pasyente at sinabi dito na, “Nay, babantayan nalang po natin siya mabuti, kritikal na po talaga pag nasa gantong kalagayan na.” Pumikit ako at dahan-dahang na ring nakatulog habang umaalingaw-ngaw ang mahinang hikbi sa kwarto.
Nagising ako sa pamilyar na kanta na naririnig ko.
Paano mo malalaman itong pag-ibig ko sayo,
Paano mo maramdaman ang tibok ng puso ko..
Liwanag ng araw ang sumisilip na sa mga bintana. Nakita ko na nakaupo na sa kama niya ang pasyente na nag-aagaw buhay lang kaninang madaling-araw. Masaya pa nitong sinasabayan ang kantang tumutugtog galing sa cellphone, nakaharap siya sa bintana. Sarado ang mga iyon at may kurtinang nakaharang. Pero nakahawi ng kaunti ang kurtina kaya mas maliwanag ang pasok ng araw sa tapat niya.
“Gising ka na pala. Andito na almusal mo, kumain ka na.” Sabi sa’kin ni nanay na nakaupo sa upuan katabi ko. “Kinabahan ako sa nangyari kagabi. Buti nakatulog ka ulit.”
“Oo nga po, eh. Kumain na po ba kayo?”
“Kumain na. Dumaan ang tatay mo kanina dito bago pumasada, nagdala ng pandesal.”
“Ahh. Kumusta po pala, anong nangyari kahapon? Nakausap niyo po ba yung naka-aksidente?”
“Nagkaproblema raw yung dyip kaya biglang tumalsik ang gulong. Tapos kakilala pala ng tatay mo yung drayber. Pamamasada lang din ang kinabubuhay ng pamilya kaya naki-usap na kahit kalahati na lang ng gastos natin ang bayaran nila.”
“Kaya po ba natin? Mukhang malaki-laki ang gastos eh.”
“Kakayanin naman. Ang sabi pala ng doktor sa akin, nilagyan iyan ng bakal sa loob,” Iniabot sa’kin ni nanay ang x-ray. “Nabali kasi ang buto mo tapos tumagos hanggang sa balat kaya pagpapantayin para magdikit at mabuo ulit.”
Napalunok ako sa narinig ko at sa nakita kong x-ray. “Medyo matindi po pala ang nangyari.”
“Oo nga anak, eh. Medyo matatagalan din daw ang paggaling nyan. Wala rin namang may gustong mangyari nito. Kahit mismo iyong nakaaksidente, naperwisyo rin.”
Hindi ko na alam ang sasabihin kay nanay. Naiinis ako sa mga nangyayari sa amin.
“Oh siya anak, alis muna ako ha. Kukuha ako ng gamit natin. Sa labas pati ako bibili ng gamot at mahal dito sa loob. Babalik ako mamaya.”
“Sige po, Nay. Ingat po.”
Napa-buntong hininga na lang ako paglabas ni nanay. Wala naman kasi ako pwedeng ibang ilabas kundi buntong-hininga. Hindi ako mapakali, parang gusto kong magsisigaw dahil sa sama ng loob sa mundo.
“Wag ka ng mangangamba... Pag-ibig ko’y ikaw, wala ng ibaaaaa!” Nagulat ako mula sa mga iniisip ko nang biglang kumanta ng malakas ang katabi kong pasyente. Napatingin ako sa kaniya.
“Ay, sorry ha. Nadala kasi ako sa kanta.” Matawa-tawang sabi niya sa’kin.
Tumayo siya sa pagkakaupo niya, habang hila-hila ang pinagkakabitan ng swero at nilapitan ang matandang lalaki sa tapat namin.
“’Tay Gil, kumusta na ba?”
Gising na rin pala ang isa pang pasyente.
“Ikaw nga dapat ang kinakamusta. Tinakot mo naman ako kagabi, eh. Huwag ka namang mambibigla ng ganoon.”
“Haha. Hindi ko ho pa oras kanina, Tay. Ok na ho ako ngayon. Kita niyo nga at nakakalakad na. May bago pala tayong kasama ngayon, oh. Hindi na tayo magsasawa sa isa’t-isa.”
Tumingin sa akin ang matanda sabay Tayo na may kasamang ngiti sa mukha. Umupo naman ang lalaki sa isang upuan malapit sa matanda. Ginantihan ko ng ngiti ang matanda. Halos dikit na ang balat nito sa buto sa sobrang kapayatan. Naaawa ako sa kalagayan na nakikita ko sa kanya kaya ibinaling ko ang tingin ko sa pagkain habang naririnig ang usapan nilang dalawa. Tulad ko ay wala rin silang mga kasamang bantay ngayon. Siguro ay nag-aasikaso rin sa kani-kanilang mga bahay.
“Sabi ko naman sa’yo Tay, makakalabas pa tayo dito sa ospital. Bibisitahin pa kita sa inyo tapos bibisita ka pa sa’min. Ipagyayabang niyo pa sa akin yung mga pangsabong niyo na manok. At kakain pa nga pala tayo sa Mang Inasal. Paramihan ng kanin ha.”
“Eric, sabi ko rin naman sa’yo, ayaw ko ng umasa pa sa ganyang mga bagay. Matagal ko ng tinanggap na hindi na ako magtatagal dito sa mundo. Malapit na pati matapos ang hatol ng doktor sa akin na walong buwan.”
“Hindi ba kayo naniniwala sa himala?”
“Eto na naman ba tayo sa himala na yan? Naku, kahit nga sa mga palabas sinasabi, ‘Walang himala!’ haha! Mahirap nga talaga maniwala.”
“Alam niyo ba noong bata pa ako, sa Mindanao kami nakatira. Noong araw na sasakay kami ng tatay ko ng barko pa-Maynila, nalate kami ng dating sa pier. Namatay kasi iyong kalabaw na dadalhin dapat namin. Kinabukasan, nabalitaan nalang namin na lumubog iyong barko na dapat sasakyan namin. Himala iyon, Tay! At noong bagong mag-asawa pa lang ako at may isang anak – “
“Oo, nakwento mo na yan. Noong saktong isang araw matapos kayong makalipat sa Cavite, eh lumindol mismo sa dating tinitirahan niyo. Nagkataon lang yon!”
“Eh paano naman iyong panahon na tinamaan ako ng kidlat? Aba, naabutan ako ng kapatid ko noon na wala na raw pulso pero pagdala niya sa akin sa bahay, nagising ako. “
“Akala mo lang kidlat yun. Hahaha! Walang nabubuhay matapos makidlatan, no.”
“Imposible, kaya nga ho naging himala! At ano naman ang masasabi niyo sa nangyari sa akin kaninang madaling-araw? Kwento sa’kin ng asawa ko akala niya raw ay mamamatay na talaga ako. Pero heto ako, nakikipagkwentuhan pa sa inyo. Totoo ang himala, Tay. Kailangan lang natin maniwala.”
“Hahaha. O sya sige, nang matapos na lang itong lagi nating pinagtatalunan.”
“Tatay Gil talaga. Basta ho ako, makalabas man o hindi dito sa ospital na ‘to, naniniwala akong may Diyos at totoong gumagawa Siya ng himala.”
Natapos ang usapan ng dalawa nang biglang may pumasok na lalaki sa kwarto, mukhang anak ni Tatay Gil dahil nagmano ito dito pagdating. Nagkamustahan ang mga ito at bumalik na si Eric sa kama niya. Maya-maya lang din ay dumating ang asawa ni Eric at dumating na rin si nanay.
Ilang linggo na rin sigurong magkasama ang dalawang pasyente na kasama ko kaya naging ganoon nalang ang naging pagkakaibigan nila. Totoo nga ba ang himala? Masasabing kayang himala nangyari sa akin?
Naging mabagal ang maghapon para sa akin dahil may mga oras na nababagot na ako dahil nakahiga lang naman ako. Sira ang telebisyon sa kwartong ito pero malakas naman ang pagsabay ng kanta ni Eric sa mga tugtugin niyang Pinoy. Maya’t-maya naman ang balik ng mga nars para mabigyan kami ng gamot at matingnan ang mga kalagayan namin. Nang dumating naman ang doktor upang ma-check-up ako, ang sabi nito sa akin ay medyo magtatagal pa ako sa ospital ng ilang mga araw pa. Pinaliwanag ng doktor sa akin kung anong nangyari buto ko at kakailanganin ang halos tatlong buwan na naka-semento ito upang tuluyang gumaling. Maaari naman na raw akong makapasok makalipas ang dalawang linggo, pero magiging mahirap lang dahil sa saklay. Isa pa ay hindi na ako makakatipid pa ng pamasahe sa pagpasok. Nanghina ako sa mga narinig ko mula sa kaniya.
Pagdating ng dapit-hapon, habang naglalaro ako sa aking cellphone, hindi ko namalayan na sinasabayan ko na rin pala ang naririnig kong tugtog,
Panalangin ko sa habang buhay
Makapiling ka, makasama ka
Yan ang panalangin ko
Nakatulog na si Eric dahil hindi ko na naririnig ang pagsabay nito sa kanta.
“Nars! Tulong!” Tiningnan ko si Tatay Gil, nangingisay ito. Sumisigaw ng tulong ang anak nito habang mabilis na tumakbo palabas. Napaka-bilis din nang naging tibok ng puso ko. Hindi pa halos nakakalipas ang isang buong araw at dalawang beses pa ako nakakita ng ganitong nakakatakot na pangyayari.
Mabilis din na kumilos ang mga nars at doktor. Nakita ko na ginamitan na si Tatay Gil ng kuryente para lang magising. Maka-tatlong beses din itong ginawa ng doktor sa kaniya. Dumating ang asawa niya at kitang-kita sa mukha niya ang takot at sobrang pag-aalala. Maka-lipas ang ilang minuto ay pumayapa na ang paligid.
“Dok, bakit naman po puso naman ang biglang nagka-problema sa asawa ko?” mahinang tanong ng asawa TaTay.
“Maraming pwedeng maging rason. Maaaring komplikasyon iyon ng pagkakaroon niya ng lung cancer o di kaya naman ay side effects ng mga gamot na iniimon niya,“ sagot ng doktor sa kaniya. “Sa ngayon ay i-momonitor namin siya ng mabuti. Naka-iskedyul na rin ng labas ng mga tests na ginawa sa kaniya bukas kaya hintayin nalang po natin ang mga iyon.”
Pagkalabas ng mga nars at doktor ng kwarto, ay siya namang lapit ni Eric kay Tatay Gil. Tama si Eric, himala lang talaga ang makakapagpalabas sa kanila sa ospital sa ganitong kalagayan nila parehas.
Tiningnan ni Eric ang matanda ng mabuti. Hinawakan nito ang kamay niya ng mahigpit at nang tingnan ko muli ang mukha ni Eric ay nakita kong nakapikit ang mga mata nito. Ilang minuto rin siyang nakatayo at nang matapos ay nilapitan nito ang asawa ni Tatay Gil at hinawakan ang balikat nito. Walang mga salita ang lumabas sa kanilang mga bibig pero damang-dama ko ang kalungkutan sa loob ng kwarto.
Akala ko ay babalik na si Eric sa pagkakahiga pero umupo ito sa kama niya na nakaharap sa akin.
“Anong pangalan mo, toy?”
“Daris po.”
“Daris, pag nasa ospital ka marami kang makikitang malulungkot na kalagayan ng tao at mga pangyayari. Talagang mapapatanong ka kung bakit. Sa totoo lang, mahirap talagang maintindihan. Bata ka pa at mas marami pang mangyayari sa buhay mo. Hindi naman sa tinatakot kita, dahil may hindi na rin inaasahang bagay ang nangyari lang sa’yo. Pero reyalidad talaga ang aksidente, sakuna, sakit, at kamatayan. At sa kabila ng mga iyon, huwag na huwag kang panghihinaan ng loob.”
Nakatingin siya sa mga mata ko habang sinasabi niya sa’kin ang mga bagay na ito. Tumango ako kay sa kanya bilang pagsang-ayon sa mga sinabi niya sa akin. At bilang hudyat na tapos na ang aming munting usapan, dumating ang kanyang asawa. “May dahilan ang lahat ng bagay,” pahabol na sambit niya sa akin bago siya humiga. Napansin ko na may ngiti sa mukha niya nang sinabi niya sa akin ang mga salitang iyon.
Payapa ang paligid pagdating ng kinagabihan. Ginagawa ng mga nars ang karaniwan nilang gawain, kinuwento ko na rin kay nanay ang tungkol sa aking panaginip, at sinabi naman nya sa’kin na handa daw tumulong ang mga tiyuhin at tiyahin ko sa amin. Hindi pa rin nagigising si Tatay Gil habang mahinang nagpapatugtog naman ulit si Eric ng paborito nitong Apo Hiking Society. Samantalang nakikinig ako sa musika ay unti-unti na rin akong napapikit at nakatulog.
Nagising ako sa nakakakasilaw na liwanag galing sa bintana. Hindi tulad kahapon, malaki ang bukas ng kurtina ngayon. Una kong nakita ang kama ni Tatay Gil. Gising na siya at tinutulungan siyang kumain ng kaniyang asawa. Paglingon ko kay Eric, nakita kong bakante na ang kama. Malinis na ang pwesto nila at napalitan na ang punda at kobre-kama.
Itatanong ko sana kung na saan si Eric pero may biglang pumasok na doctor.
“Good morning po Tatay Gil. Kumusta na po ang pakiramdam niyo?”
“Good morning, dok. Medyo maayos naman na ako.”
“Buti naman po kung ganun. May good news po pala ako sa inyo.”
“Ano po yun dok?” sabik na tanong ng asawa ni Tatay Gil.
“Yung nangyari sa inyo kagabi ay hindi dahil sa cancer kundi kumplikasyon iyon ng paggagamot natin sa cancer. Ngayon, nakakabigla at masasabing ko po na isa ‘tong himala. Wala na po kayong cancer, Tatay Gil.”
Hindi nakapagsalita ang matanda at tumingin nalang ito sa asawa niya.
“Totoo po ba yan, doc?” mangiyak-ngiyak na tanong ng asawa ni Tatay Gil.
“Oo, totoo yun. At mukhang kailangan ko na po bawiin ang hatol ko sa buhay niyo. Alam kong nakakagulat ang balitang ‘to at baka nagdududa pa po kayo kaya babalik po ako mamaya para maipaliwanag ng mabuti sa inyo. Tatapusin ko lang po muna ang pag-iikot ko sa pasyente ngayong umaga.”
Hinagkan ng mahigpit si Tatay Gil ng kanyang asawa. Kitang-kita ang magkahalong gulat at tuwa sa mga mukha nila. At kahit ako ay hindi ko mapigilan ang hindi ngumiti.
“Ah, dok. Na saan na pala si Eric?” Hindi rin pala alam ni Tatay Gil kung na saan si Eric.
Nagbago ang masayang mukha ng doktor. “Nakakalungkot sabihin Tatay, pero namaalam na po si Eric. Nagising ang asawa niya kaninang madaling-araw at napansin niyang hindi na ito humihinga.”
Nagulat ako sa narinig ko. Kahapon lang ay masiglang-masigla pa si Eric. Lumabas na rin ang doctor at naiwan kaming lahat na nagtataka sa biglaang nangyari.
Tiningnan ko si Tatay Gil. Nakatulala ito habang ang mga mata ay nakatuon sa bakanteng kama na katapat niya. Kahit hirap ay dahan-dahan itong tumayo at mabagal na lumakad palapit sa kama. Umupo siya sa kama ni Eric at habang nakatingin sa unan na parang bang may nakahiga pa rin doon ay narinig ko ang mahina nitong pag-iyak. Habang umiiyak ay dahan-dahang ding tumatango si Tatay Gil. Sa wakas ay natapos na ang matagal na nilang pinagtatalunan.
Totoo nga ang himala. Walang namang masama kung maniniwala.
Ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 2016.
No comments:
Post a Comment
Let me hear your thoughts!